Miyerkules, Enero 4, 2017

Paano Maging Matagumpay sa Negosyo


Ang negosyo ay isang gawain na bunga ng pagtaya ng isa o higit pang mga mangangalakal ng kanilang pawis, pag-iisip at salapi upang kumita at mapalago ng higit pa. Ang negosyo ay isa sa mga salik na madali kang yayaman.
Paano ka maging matagumpay sa iyong negosyo? Kung ikaw ay isang normal na negosyante ay kailangan mo munang pag-aralan at matutunan kung paano magamit ang ng epektibo ang iyong kakayahan sa pagnenegosyo. Ang pinakaunang hakbang sa pagnenegosyo ay ang pagbibigay sa iyong sarili ng matibay na pundasyon sa pananalapi. Huwag kang pumasok sa ano mang negosyo ng hindi ka handa sa pananalapi. Kung wala pa sa ayos ang iyong personal na pananalapi simulan mo na itong ayusin sa pamamagitan ng pagsunod sa mga gabay at payo na nababanggit patungkol sa matalino at wastong paghawak ng pera sa blog na ito. Ang numero unong dahilan ng pagbagsak ng isang negosyo ay ang kawalan nito ng kapital. Bago mo simulan ang iyong negosyo, siguraduhin mo na may sapat kang pera na nakatabi upang magamit bilang reserba. Ang ulirang halaga ng iyong reserba ay anim hanggang isang taong panggastos o pangtustos sa mga gastusin ng iyong negosyo. Pagkatapos mong maglatag ng pinansiyal na pundasyon para sa iyong negosyo. Gawin mong produktibo ang iyong sarili sa pag-iisip ng mga ideya at mga bagay o serbisyo na maaari mong ibenta sa iba. Tandaan, ang isang matagumpay na negosyo ay nagbibigay ng mga bagay at serbisyo na kailangang kailangan ng iba. Halimbawa;, sapatos, gamot, transportasyon, kalusugan, at mga esensyal na bagay na kailangan ng ibang tao upang mabuhay gaya ng pagkain, tubig, damit . Maaari mo ring pag-isipan ang mga bagay na gusto ng iba ngunit ito dapat ay may kaukulang halaga o presyo at kagigiliwan ng marami, dapat ito ay nasa sapat na presyo.

Kapag may naisip kanang ideya na maaari mong ibahagi sa iba at sa iyong tingin ito ay papatok sa karamihan at sa merkado, isulat mo ang ideyang ito sa isang papel upang hindi mo ito makalimutan. Minsan sa dami ng mga ideyang pumapasok sa ating isip nababaon ang mga magandang ideya na makakapagpabago ng ating buhay. Ipokus mo ng malalim na pansin ang naiisip mong ito at pag-aralan mo ang ano mang bagay na nauukol sa ideyang ito. Ang matagumpay na pagnenegosyo ay nakasalalay sa masinsinang pag-aaral at paghahanda. Hindi ka magtatagumpay sa negosyo kung ikaw ay nagkukulang sa mga mahahalagang aspetong ito. Ang kaalaman sa negosyong pinapasok mo ang magbibigay sa iyo ng talino sa tamang pagdedesisyon sa mga importanteng bagay na may kinalaman sa pagpapatakbo ng iyong negosyo. Ang kahandaan ang magbibigay sa iyo ng kaunlaran sa pagpaplano sa magiging hinaharap ng iyong negosyo. Kaya naman ang dalawang aspetong ito ng pagnenegosyo ay dapat bigyan ng importansya at pagtuunan ng pansin bago magsimula sa ano mang negosyo.

Pagkatapos ng iyong pagsasaliksik at paghahanda kasama ng iyong matibay na pundasyon sa pananalapi at pagkakaroon ng magandang ideya sa negosyo. Dito ka pa lamang magiging handa sa pagbubukas ng iyong pinto sa napakalaking oportunidad na makapagsilbi sa ibang tao at mabayaran sa ano mang bagay na makakatulong sa kanila. Ngunit, ito pa lamang ay simula ng napakahirap ngunitnapakarewarding na karera sa pagnenegosyo. Marami kang isasakripisyo. Ang iyong oras, pamilya, at minsan ang iyong buhay upang mapagtagumpayan ang iyong karera sa negosyo. Ngunit kung ikaw ay magtatagumpay sa larangang ito, ikaw ay mabibigyan ng napakalaking yaman na kahit sa panaginip ay hindi mo napapanaginipan.

Habang ikaw ay nasa larangan ng pagnenegosyo manatiling kaaya-aya sa iba. Maging palangiti at maging makatao. Suyuin mo ng husto ang lahat ng tao na makakasalamuha mo. Tandaan, ang lahat ng taong makakasalamuha mo sa araw-araw ay iyong mga “customers” na magbibigay tagumpay sa iyong negosyo at sa iyong buhay. Pahalagahan mo sila. Serbisyuhan mo sila ng may buong puso at katapatan. Sa kanila manggagaling ang yaman na iyong inaasam. Nakasalalay ang tagumpay ng iyong negosyo sa tamang pagtrato at pagbibigay ng magandang ugali sa iyong “customers.”

Habang ikaw ay patuloy na nagtatrabaho upang makapagtatag ng isang matagumpay na negosyo, huwag mong kalimutan ang iyong Amang Diyos na nagbibigay sa iyo ng talino, lakas at puso upang magtagumpay. Siya lamang ang makapagbibigay sa iyo ng tagumpay. Tumawag ka sa kanya at manalangin sa araw-araw. Humingi ka ng gabay at ipanalangin mo ang iyong tagumpay sa iyong negosyo.